Dahil ba nauso ang angry birds, kaya dumadami na din ang mga taong magagalitin ngayon?
Dahil sa galit at init ng ulo, maraming taong nag-aaway at ang malala pa dyan,
halos araw araw madidinig natin sa balita, may nagbarilan, saksakan at patayan ng dahil lamang sa galit o init ng ulo? Nakaka-alarma dahil dumadami ang mga taong hindi kayang kontrolin ang kanilang emosyon, karaniwan sa mga taong nababalitang nambaril o nanakit ng dahil sa galit ay hindi po lulong sa droga, hindi sila mga sabog at adik ika nga ng iba at lalong hindi sila kamag-anak ng angry birds na kadalasang nilalaro ngayon.
Ano nga ba ang galit o anger?
Sabi ng mga eksperto natural lang daw magalit, normal daw itong nararamdaman ng tao, sabi pa nga nila kapag hindi ka nagalit kahit minsan sa buhay mo hindi ka tao.
Ang “anger” din ay isang natural response sa threat na nakakatulong para depensahan ang ating sarili.
Bagaman normal ang magalit, ito ay nagbubunga din ng hindi maganda sa tao lalo na ‘yung galit na hindi kayang kontrolin. Ayon sa mga pag-aaral kapag palagi kang galit mataas ang iyong chance na magkaroon ng coronary heart disease, ito din ay maaring magdala sa iyo sa mga sakit na may kinalaman sa stress gaya ng insomnia, digestive problems at sakit ng ulo, ang mas masakit pa dito kapag lagi kang galit at nakasimangot mas marami kang muscles na ginagamit sa mukha at ito ay nagbubunga ng kulubot o wrinkles na maaring pang magdulot ng dagdag na inis lalo na kung hindi mo afford magpabuttocks o magparetoke.
Mahalagang matutunan natin paano kontrolin o puksain ang galit sa ating puso, pero hindi masama na i-express natin ang ating mga sama ng loob, pero hindi sa pamamagitan ng pagganting pisikal, maari nating maipahayag ang ating sama ng loob sa mas sibilisado at kristianong paraan
Lagi lang nating tatandaan na wala tayong karapatang pugutan ng ulo ang sinomang tao na nagdulot sa atin ng sama ng loob.
Paano nga ba natin makokontrol ang ating galit?
1. Ayon sa ating mga dalubhasa makakatulong ang paghinga ng malalim kapag ikaw ay nagagalit, hindi para bumuwelo para sa susunod mong atake pero para irelax ang sarili. Pakalmahin ang sarili sa pamamagitan ng paghinga at pagsasabi ng mga relaxing word gaya ng “relax” o “take it easy”.
2. Pagbabago ng paraan ng pag-iisip. Kapag galit ang tao kadalasan nagiging madrama at over acting tayo, minsan nasasabi nating “wala na sira na lahat, ayaw ko na!” ang marapat nating gawin ay palitan ang mga negative words na ito sa mga resonableng salita, gaya ng “oo nasira nga, pero hindi pa ito ang katapusan ng mundo.”
3. Umisip ng solusyon sa problema, wag daanin sa galit at init ng ulo. Minsan ang problema ang nagdudulot sa atin ng galit, pero kaysa sa magalit pa tayo ang mas magandang gawin ay umisip ng solusyon sa problema.
4. Maayos na komunikasyon. Iwasan ang masyadong pagsasalita kapag ikaw ay galit. Makinig mabuti sa kausap at isiping mabuti ang iyong isasagot. Karaniwan kapag tayo ay galit may mga nasasabi pa tayong hindi maganda na nakakapagpalala sa sitwasyon, kaya sa pagkakataong galit ka isipin mong “less talk, less mistakes!”
5. Humor. Ang humor din ay makakatulong para kontrolin ang galit, kung nakikita mong mukhang halimaw ang iyong kaaway na naglalakad sa hall ng iyong school, mas mabuting isipin isa s’yang bulateng na nakakulay green na skirt. Sa paraang ito, ikaw din mismo makakarealize kung gaano kawalang kwenta ang iniisip mo at ang tama mong gawin ay magpatawad at umisip ng mga positibong bagay.
6. Environmental change. Sabi nila ang paglipat pansalamantala ng lugar ay makakatulong magpakalma sa’yo, maglakad lakad sa may parade grounds, magmuni-muni. Iwasang magmaneho, karaniwan sa mga galit na nagmamaneho ay naaksidente.
7. Kumunsulta sa isang psychologist. Sila ay makakatulong para matutunan mo paano kontrolin ang iyong galit.
8. Manalangin at humingi ng tulong sa Maykapal. Sa mga oras na parang hindi mo na kaya, lumapit ka sa Dios, humingi ka ng gabay at tulong na sana tulungan ka n’yang makapagpatawad.
Tandaan mo kaibigan, hindi masamang magalit, ang masama kung patatagalin natin ‘yung galit sa puso natin.
“Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit” – Efeso 4:26